Ulan

by L. Oliva

Maalinsangan ang hangin ngunit presko sa pakiramdam. Kung titingala ka ay pangingitiin ng araw ang katawan mo. At ang asul na langit naman ay hahandugan ka ng kasiyahang higit pa sa iyong inaasahan. Ngunit kahit gaano tayo napapasaya ng araw, dumarating ang pagkakataon na nagtatago ito sa likod ng mga ulap at doon ay nalulungkot tayo.

Nagkataon lang na minsan hindi ko nadala ang payong ko. Ilang ulit kong hinanap ito sa loob ng aking bag pero hindi ko pa rin makita. Gusto ko ng mainit na kape pero hindi ko alam sa mga paa ko kung bakit sa convenience store nila ako dinala. Sinuwerte naman ako dahil nag-aalok naman sila ng kape.

Naupo ako malapit sa salamin kung saan malinaw kong natatanaw ang mga munting patak ng tubig mula sa langit, ang paghalik nito sa sahig at ang pagkalat nito sa paligid mula sa mahinang pagtalbog.

Nasa pangatlong paghigop nang mapansin ko ang isang papel na pabalat ng apa ng icecream na malapit na mahulog mula sa kinauupuan ko. Kinuha ko ito at napansin ko na may nakasulat dito.

“Seryoso kaya siya?”

Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko. Napansin ko na lang na nilamig ako matapos kong matikman ang ice cream na binili ko sa counter. Inalis ko ang papel na nakabalot sa apa at nagsimula akong sulatan iyon.

“Hindi mo malalaman hanggat hindi ka nagbibigay ng pagkakataon.”

Inubos ko ang kape ko at nilisan ko ang lugar na iyon. Hindi ko naitanggi na nasarapan ako sa ice cream kaya kinabukasan ay bumalik ako. Naupo ako kung saan ako naupo kahapon ngunit di ko inasahan na tutugon siya sa sinulat ko.

“Nagbigay ako ng pagkakataon pero, hindi pa ako handang magtiwala ulit.”

Kinuha ko muli ang papel mula sa ice cream ko at nagsulat ulit.

“Hindi naman ibinibigay yun ng hindi pinaghihirapan.”

Nagmula noon, araw-araw sa loob ng isang buwan ay nagpalitan kami ng sulat. Pagkatapos isang araw bigla na lang natigil. Naisip ko na natutunan na rin nyang bigyan ng pagkakataon ang sarili nya na magtiwala ulit. At hindi na ako bumalik pa ulit sa lugar na iyon.

Isang taon ang lumipas at nagsimula ulit ang tag-ulan. Ewan ko kung nagkataon lang dahil hindi ako ulit nakapagdala ng payong. Dinala ako ng mga paa ko sa isang convenience store upang sumilong at umorder ng mainit na kape.

Naupo ako malapit sa salamin habang pinagmamasdan ang mga patak ng ulan at ang mga taong naglalakad sa ulanan.

Nasa ikatlong paghigop ako ng mapansin ko ang isang papel na malapit ng mahulog sa kinauupuan ko. Pamilyar iyon.

“Gusto kong sumuko pero ayokong matawag na mahina”

Pamilyar talaga. Bumili ako ng icre cream at bumalik ako sa kinauupuan ko at hindi na ako nagdalawang isip pa na magsulat.

“Hindi kahinaan ang pagsuko. Pinapatunayan lang nito na ganun ka katatag para bitawan ang mga bagay na mahalaga sayo.”

Kinabukasan sinulatan niya ako.

“Parang may isang parte ng pagkatao ko ang nawala.”

Sinulatan ko siya muli.

“Hindi pag-ibig ang bumubuo ng pagkatao ng isa tao. Nabubuo lang iyon sa oras na matutunan mong hindi maging makasarili.”

Sumulat ulit siya saakin kinabukasan.

“Pero mahal ko pa rin siya.”

Nung sumunod na araw nag-iwan ako sa kanya ng mensahe.

“Minsan ang pamamaalam ay ang pinakamasakit ng paraan ng pagsasabi ng mahal kita.”

Mga ilang araw din ang lumipas at unti-unti rin syang naka-move on. Naging mag-kaibigan kami dahil sa simpleng bagay na iyon, ang pagsusulatan.

Makulimlim ang panahon ng napagpasyahan namin magtagpo.

Nakita ko siya sa unang pagkakataon. Ngumiti ako sa kanya. Napatigil kami ng bumuhos ang mahinang ulan. Kinuha ko ang payong na hawak niya at binuksan iyon.

“Gusto kong naglalakad sa ilalim ng araw,” sabi niya. “Tumingala sa langit at tumakbo ng malaya.”

“Pero hindi mo iyon ma-eenjoy kung naka payong ka”, sabi ko.

“Shempre.”

“At napapasaya ka nila.”

Sinarado ko ang payong at parehas kaming nabasa sa ulan.

“Oo,” sagot nya. “Hala basa na tayo.”

“Pero kahit na gaano ka kasaya sa mga bagay na iyon. Hindi mo pa rin maiiwasan na na minsan magtatago ang araw sa ulap at babasain ka ng langit. Minsan, kailangan mong mag lakad mag-isa sa ulan at pakiramdaman ang mga sakit at mahirapan.”

“Ganun kasi ang buhay,” sabi nya.

“Pero di naman siguro magtatagal, may isang taong maglalakad na kasabay mo, magpuputik ng sapatos na kagaya ng sayo.”

Binuksan ko ulit ang payong niya.

“Hahatian ka ng lakas ng loob hanggang sa malagpasan mo ang nagpapahirap ng kalooban mo at magtagumpay ka,” pagpapatuloy ko.

Tumakbo siya ng ilang metro palayo at humarap saakin.

“Seryoso ka ba?”

“Hayaan mong paghirapan ko ang tiwala mo.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: